
Nasa kalagitnaan ng magastos na diborsyo si Larasati (Julie Estelle) at kailangan niyang makipag-ayos sa naghihingalo niyang ina, si Sulastri (Widyawati). Bagama’t hindi naging maganda ang kanilang relasyon mag-ina, ipinamana nito sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian sa kondisyon na ideliber niya ang kahon ng mga sulat kay Jaya (Tio Pakusadewo), isang matandang janitor na nakatira sa Praga.
Mabubunyag na dating magnobyo si Sulastri at Jaya na hindi nagkatuluyan dahil hindi natupad ni Jaya ang pangakong bumalik sa kanyang bayan. Nag-aaral ng nuclear physics si Jaya sa Praga nang magtransisyon noong 1966 sa New Order ang bansang Indonesia sa ilalim ni Soeharto. Bilang supporter ng dating pangulong si Soekarno, tinanggalan siya ng passport at napilitang mabuhay bilang exilio. Sa kanilang pagkakadaupang-palad, maikukuwento ni Jaya ang pakikipagsapalaran nilang mga exilio sa Praga na magiging tulay para maintindihan ni Larasati ang matinding kalungkutan ng kanyang ina.
Kapansin-pansin ang madalas na paggamit ng awit (komposisyon ni Glenn Fredly) bilang paraan ng pagkukuwento. Lakip sa lyrics ng kantang Menanti Arah, ang trahedyang nangyari: “Negeriku gelap histori, kebencian jadi ideologi. Banyak nama yang hilang haknya.” (Madilim ang kasaysayan ng aking bayan, naging ideolohiya ang galit. Marami ang nawalan ng karapatan).
Sa isang tagpo, bumisita kay Jaya ang tatlo niyang kapwa mga exilio at isa-isa nilang kinuwento ang mga dahilan kung bakit pinili nilang huwag bumalik sa kanilang bayan.
Maraming elemento sa pelikula na hindi malinaw sa karaniwang audience. Halimbawa, ano ang ugnayan ng Eastern Block sa bansang Indonesia noong panahong ng Gerang Malamig at bakit maraming iskolar ang piniling mag-aral sa Czech Republic? May mga patlang din sa kuwento na kailangan na lamang punan ng imahinasyon. Bagama’t mas malaya na ngayong ikuwento ng nakababatang henerasyon ang nakaraan ng anti-komunistang kilusan, kumpara sa kanluraning kalakaran, umiiral pa rin ang matinding censorship sa mga pelikula sa Indonesia. Halimbawa, tatalon ang eksena ngromantiko at sabay na pagtugtog sa piano ni Larasati at Jaya sa isang umagang magkayakap na sila sa sopa. Nagtalik ba sila? Hindi ito lubusang mapapaliwanag.
Sa kabila nito, tagumpay ang pelikula sa hindi nito pagbagsak sa de-kahon na pormula ng isang romance movie. Matatawag nga bang romance movie ang isang pelikulang magsisimula na mamamatay na ang babae at uugod-ugod na ang bidang lalake? Binuksan din ng pelikula ang usapin sa mga ‘di pa nauungkat ng mga kuwento ng mga Indonesian na exilio sa Praga.
Naluklok sa kapangyarihan si Soeharto sa pamamagitan ng kudeta noong 1965, na isinisisi ngayon sa nalansag nang Partido Komunista ng Indonesia. Pinapili ang mga Indonesian na naninirahan sa abroad noong panahon ng kudeta: Lagdaan ang dokumento ng katapatan sa gobyerno o mawalan ng citizenship.
Marami ang hindi lumagda sa dokumento at tinanggap ang tadhanang mawalan ng bayan at hindi na makauwi. Bagama’t nauna nang madokumento ang buhay ng mga exilio sa Paris sa librong Melawan dengan Restoran ni Sobron Aidit at Budi Kurniawan, at ang tanyag na nobelang Pulang (Bahay) ni Leila Chudori, bihirang ang pagkakataon na maisapelikula ang sinapit ng ilang doseang mga Indoensian na iskolar sa Praga.